Tuesday, October 17, 2006

Halina, Hesus, Mapaghilom na Pastol!



Isang panalangin ni San Juan Eudes na sama-samang isinalin sa wikang Tagalog ni GI, Crissy, Mylene at Yo ng Pamayanan ng Mabuting Pastol (ika-10 ng Oktubre 2006)


Halina, Hesus, Mapaghilom na Pastol!
Halina, manahan at maghari kang ganap sa amin.
Isakatuparan Mo ang habi ng Iyong Kabutihan.
Buuin ang gawa ng Iyong pagpapala,
At itaguyod mo sa amin
Ang kapangyarihan ng Iyong kaluwalhatian
At dalisay na pagmamahal magpakailanman.

Halina, Hesus, Mapaghilom na Pastol!
Manahan ka sa amin ng buong lakas.
Kamtin mo sa pamamagitan namin
Ang Iyong minimithing kadakilaan.

Halina, sa kabanalan ng Iyong Espiritu!
Palayain kaming lubos sa lahat ng hindi Iyo.
Pag-isahin mo kaming ganap sa lahat ng Iyong gawain.

Halina, sa kaganapan ng Iyong mga misteryo!
Sa pamamagitan ng mga ito,
Papangyarihin mo sa amin ang Iyong kalooban.
At maghari ka sa amin ayon sa Iyong diwa at biyaya.

Halina, sa kalinisan ng Iyong pamamaraan!
Tuparin mo sa amin, anumang maging katumbas,
Ang lahat ng itinatakda ng Iyong wagas na pagmamahal.
At akayin mo kami tungo sa landas ng pag-ibig.
Iadya mo na kami’y mapariwara
O mapadpad sa makasariling pagnanasa.

Halina, Hesus, Mapaghilom na Pastol!