Friday, March 20, 2020

Ganito si San Juan Eudes Noon, Paano Kaya Tayo Ngayon (PART 1 of 3 PARTS)



Grabe ang ginawa ni San Juan Eudes bilang tugon sa pandemya ng kanyang panahon (ang bubonic plague sa Eurasia), lalo na sa dalawang magkasunod na pagsulpot at paglaganap nito sa Pransya. Yun nga lang, para bang sinasabi nya sa kanyang ikinilos, “Sige lang! Sugod nang sugod! Bahala na!” Pero bakit nga ba parang walang pakialam si San Juan Eudes kung mahawa man sya at magkasakit din sa paglilingkod nya sa mga maysakit at pagdadala ng Banal na Komunyon sa kanila? Nakakatakot kayang magkasakit na wala pang nadidiskubreng lunas. Sakitin pa naman sya. Katunayan, matapos ang kanyang ordinasyon, nagkasakit na sya at naratay sa loob ng dalawang taon. Marahil, naging atat syang magmisyon sa kanyang paggaling dahil naudlot pagnanais nyang makabahagi sa Misyon ni Cristo sa kanyang pagkakasakit. Pero ang mas mahalagang pagnilayan: ano kaya ang puede nating matutunan mula sa kanyang halimbawa para makatugon din tayo nang maayos sa pandemyang dala ng bagong corona virus.

May nakita akong tatlong magkaka-ugnay na aral. Tingnan mo kaya at ikonsider mga sumusunod na reflections:

Mahalaga ang pagkatao ng bawat isa. Humingi ng permisyon si San Juan Eudes kay P. Pierre de Berulle, ang kanyang Superior, para lumabas at puntahan ang mga biktima ng bubonic plague dahil sa nakita nyang kawalan ng tulong espiritual sa mga maysakit sa kabila ng nakaambang panganib na mahawa rin sya. Sa madaling salita, pinahalagahan nya ang pagkatao ng mga lugmok na at mahihina. Lahat kasi ng mga maysakit noon ay sapilitang pinaalis sa mga bayan o lungsod para mapigilan ang pagkaubos ng mga tao. Dinala mga maysakit sa bukid para di mahawa ang mga okay pa ang kondisyon ng katawan. 

Sa ating panahon, gabay ito para maunawaan natin ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat tao lalo na ang mga naiitsa-pwera. Hindi dapat kalimutan ang kahalagahan ng bawat isa. Hindi tayo dapat maging kampante basta naayos na natin ang ating mga sarili, at naisiguro na ang ating sariling kaligtasan sa pagbili ng sapat na pagkain, alcohol at sabon. 

Lahat kung tutuusin, nasa panganib na mahawa. Pero higit na panganib ang hinaharap ng mga mahihirap dahil sa kondisyon ng kanilang lugar. Nadagdagan pa ang kanilang pasanin dahil ang solusyon para masugpo ang pagkalat ng COVID-19 ay pagkakait sa kanila na kumayod para may makain. Paano natin mapapahalagahan ang pagkatao hindi lamang ng mga maysakit kundi pati na rin yung mga mahina ang laban? 

May mga balita na tungkol sa paghina ng ating mga sistema sa pagkontrol ng kaguluhan at pagpapaibayo ng peace and order. Nangangamba ang ilan sa pagtaas ng krimen tulad ng pandurukot at pagnanakaw.  Pero paano tayo tutugon kapag nasadsad na ang mga kababayan natin at nagsimula nang maghanap na ng paraan pantawid gutom lang?  Paano natin maisasabuhay sa ating panahon ang ginawang pagpapahalaga ni San Juan Eudes sa kanyang kapwa noon?

Pagnilayan at magbahaginan po tayo!

(Susunod ang dalawa pang kaugnay na aral sa mga susunod na araw.)


-----------------
Paunawa:  Nang panahon ito, miyembro pa si San Juan Eudes ng Oratorians ng Paris na itinayo ni P. Pierre de Berulle, at hindi pa nya natatanggap ang inspirasyon na itayo ang Congregation of Jesus and Mary.

No comments: