Friday, March 20, 2020

Ganito si San Juan Eudes Noon, Paano Kaya Tayo Ngayon? (PART 2 OF 3 PARTS)

Photo credit:  https://stmichaellivermore.com/blog/living-eucharistic-life

May paanyayang maipagdiwang ang Eukaristiya sa atin mismong buhay. Nang puntahan si San Juan Eudes ang mga biktima ng bubonic plague, araw-araw syang nagdiriwang ng Banal na Eukaristiya kasama ang isa pang pari. Nagmimisa sila sa isang chapel na malapit lang at saka lalakad para magpakomunyon sa mga maysakit na iniwan sa parang. Hindi uso sa kanya ang social distancing kahit na alam nyang puede syang mahawa. Kumbinsido syang mahalagang mabigyan ng komunyon ang mga maysakit lalo na at nasa bingit na sila ng kamatayan. 

Batid din nyang ang Banal na Eukaristiya ang magbibigay ng tunay na kaligtasan at pagkakaisa sa Diyos. Kaya naman sa sarili nating sitwasyon, mahalagang maipagpatuloy pa rin ang pagpapastol sa kawan ng Panginoon sa kabila ng cancellation ng misa at iba pang pagtitipong espiritwal dahil sa enhanced community quarantine

Photo credit:  CNN Philippines
Itinutulak tayo nito na makiisa at maging mapanlikha sa pagtugon sa pangangailangan ng tao, maysakit man o wala. Hamon sa ating makagawa ng paraan na maisabuhay at maipagdiwang pa rin ang Eukaristiya sa pamamagitan ng Komunyon ng Buhay sa ating sama-samang pamumuhay. 

Hindi man tayo magkatipun-tipon sa loob ng simbahan, napapanahon na para pumasok tayo sa mas mataas na antas ng kamalayan -- na tayo nga ang Simbahang binubuo ng mga bawat isa sa atin. Hindi man tayo nagdiriwang ng liturhiya ng Banal na Misa dahil sa COVID-19, nasa atin naman ang grasyang ipagdiwang ito sa ating pagkilos at pakikipag-ugnayan sa kapwa. 

Oras na para magising tayo sa ating identity na tayo nga ang iisang Simbahan ng Diyos, ang iisang Katawan ni Kristo, na may pagmamalasakit sa bawat isa. Walang dapat maiiwanan. Ang pagtanggap ng Banal na Komunyon ay maisasabuhay sa pagtanggap sa kapwang tahanan ni Cristo. Paano natin mapapangatawanan ang pagdiriwang ng Eukaristiya sa daloy ng ating buhay, sa halip na magpadala sa takot at pangamba?

Pagnilayan po natin at pag-usapan! 

No comments: