Wednesday, March 18, 2020

San Juan Eudes, Alagad Para sa mga Sinalanta ng Pandemya


Si San Juan Eudes (1601-1680), founder ng Eudist Fathers o ng Congregation of Jesus and Mary, at nagsimula ng debosyong liturhikal sa Kabanalbanalang Puso ni Jesus at Maria, ay may natatanging karanasan sa epidemya/pandemya na kanyang panahon. Isang salot, ang bubonic plague o black death, ang paulit-ulit na sumalanta sa Europa at Asya sa loob ng maraming siglo. Maraming namatay ayon mga eksperto - di kukulangin sa 200 milyong katao o 60% ng populasyon noon ng Europa.

Iilang taon pa lang syang naordinahan bilang pari nang dalawang magkasunod na salot ang lumaganap sa magka-ibang lugar sa France (1627-1631). Kahit na masakitin, pinilit nyang maglingkod sa mga napektuhan at maysakit na noon ay inilalabas sa kaparangan sa labas ng mga lungsod at bayan para hindi makahawa. Babad sa awa at pagmamahal ng Diyos, kumilos si San Juan Eudes upang tulungan ang mga ito, inihatid ang mga sakramento ng Eukaristiya at Pagpapahid ng Langis. Isang pagkilos na punung-puno ng habag at malasakit ang namalas, sa kanyang pagiging matapat at pagkabukas-palad na pakikiramay. Ginawa nya ito sa kabila ng panganib sa sariling kalusugan. Tumira sya sa isang bariles ng alak at nakiisa sa mga maysakit hanggang sa matapos ang salot. At mahaba pang panahong nabuhay si San Juan Eudes, buhay na ganap at puno ng kahulugan.

Humingi tayo ng tulong kay San Juan Eudes, upang kaawaan tayo ng Diyos at iligtas sa pananalasa ng COVID-19 at kasalanan!

San Juan Eudes,
alagad ng Diyos para sa mga sinasalanta ng pandemya,
- ilapit mo kami sa Diyos ng Buhay nang maligtas kami sa bantang panganib ng COVID-19!

San Juan Eudes,
Ama, Pantas at Apostol ng debosyong liturhikal sa Kabanalbanalang Puso ni Jesus at Maria,
- dalhin mo kami sa tunay naming tanggulan at kaligtasan!

San Juan Eudes,
- ipanalanging mo kami!

No comments: