Monday, April 06, 2020

Prayer to St. John Eudes Against COVID-19

Statue of St. John Eudes in Casa de Formacion La Mision in Quito, Ecuador

(A prayer adapted from the composition of Edwina S. Meily.  The original was in Filipino which she also translated to English.)

Our dear St. John Eudes, you who possess a pure love for the most Holy Heart of Jesus and Mary; you who have established congregations, followers along the road leading to the One Heart, journey with us in our suffering and crippling fear as we face the daily challenges of this life.

At the time of the Great Plague in Eurasia, when hundreds around you were dying,you were saved by God because of your obedient, loving and servant heart, so that you may live to serve the weak and the sick, and to bring to them the fullness of God’s Love – the Holy Eucharist – while they were pushed to the edges of society that was forced to abandon them to the throes of death.

We beg you, dear St. John Eudes to pray for us that through the Most Pure Heart of Jesus and Mary, we, together with our families and neighbors, here and around the world may be spared from the scourge of this COVID-19 pandemic. With you we pray, “take away everything in us that does not belong to God!”

We fully trust in the Power of our compassionate and merciful God who never cease to care for his people.

Amen.

Sunday, March 22, 2020

Ganito si San Eudes Noon, Paano Kaya Tayo Ngayon? (PART 3 of 3 PARTS)


Naroon si Jesucristo sa ating kapwa. Nang mahawa sa sakit ang Superior ni San Juan Eudes sa Oratorian community sa Caen ng Normandy, Pransya, kinilala nya ang biyaya na matulungan ito sa kanyang pagkakasakit, mabigyan ng mga nararapat na mga Sacramento, at samahan sa kanyang pagdurusa at kamatayan. 


Matapos ang huling pagkakataon na ibigay ang Banal na Komunyon, mayroon pang dalawang biktima na pinuntahan si San Juan Eudes: ang isa ay gumaling at ang isa naman ay namatay din. Anuman ang resulta ng kanyang paglilingkod, naging mahalaga kay San Juan Eudes na makita si Jesus sa kapwa, lalo na sa kapwang nangangailangan. 

Tayo naman, kahit sa sitwasyon ng virus, sakit at naka-ambang kamatayan, ang paningin natin ay itutok natin kay Jesus na nagdurusa doon sa mga nagdurusa rin sanhi ng COVID-19. Ano kaya ang mababago sa iyong mga desisyon kung kikilos ka ayon halimbawa ni San Juan Eudes at ni Jesucristo?

San Juan Eudes, ipanalangin mo kami!

O Mariang ipinaglihi nang walang kasalanan, ipanalangin mo kaming dumudulog sa iyo!

O Jesus, Mapaghilom na Pastol, igawad mo sa amin ang kaganapan ng buhay!

Friday, March 20, 2020

Ganito si San Juan Eudes Noon, Paano Kaya Tayo Ngayon? (PART 2 OF 3 PARTS)

Photo credit:  https://stmichaellivermore.com/blog/living-eucharistic-life

May paanyayang maipagdiwang ang Eukaristiya sa atin mismong buhay. Nang puntahan si San Juan Eudes ang mga biktima ng bubonic plague, araw-araw syang nagdiriwang ng Banal na Eukaristiya kasama ang isa pang pari. Nagmimisa sila sa isang chapel na malapit lang at saka lalakad para magpakomunyon sa mga maysakit na iniwan sa parang. Hindi uso sa kanya ang social distancing kahit na alam nyang puede syang mahawa. Kumbinsido syang mahalagang mabigyan ng komunyon ang mga maysakit lalo na at nasa bingit na sila ng kamatayan. 

Batid din nyang ang Banal na Eukaristiya ang magbibigay ng tunay na kaligtasan at pagkakaisa sa Diyos. Kaya naman sa sarili nating sitwasyon, mahalagang maipagpatuloy pa rin ang pagpapastol sa kawan ng Panginoon sa kabila ng cancellation ng misa at iba pang pagtitipong espiritwal dahil sa enhanced community quarantine

Photo credit:  CNN Philippines
Itinutulak tayo nito na makiisa at maging mapanlikha sa pagtugon sa pangangailangan ng tao, maysakit man o wala. Hamon sa ating makagawa ng paraan na maisabuhay at maipagdiwang pa rin ang Eukaristiya sa pamamagitan ng Komunyon ng Buhay sa ating sama-samang pamumuhay. 

Hindi man tayo magkatipun-tipon sa loob ng simbahan, napapanahon na para pumasok tayo sa mas mataas na antas ng kamalayan -- na tayo nga ang Simbahang binubuo ng mga bawat isa sa atin. Hindi man tayo nagdiriwang ng liturhiya ng Banal na Misa dahil sa COVID-19, nasa atin naman ang grasyang ipagdiwang ito sa ating pagkilos at pakikipag-ugnayan sa kapwa. 

Oras na para magising tayo sa ating identity na tayo nga ang iisang Simbahan ng Diyos, ang iisang Katawan ni Kristo, na may pagmamalasakit sa bawat isa. Walang dapat maiiwanan. Ang pagtanggap ng Banal na Komunyon ay maisasabuhay sa pagtanggap sa kapwang tahanan ni Cristo. Paano natin mapapangatawanan ang pagdiriwang ng Eukaristiya sa daloy ng ating buhay, sa halip na magpadala sa takot at pangamba?

Pagnilayan po natin at pag-usapan! 

Ganito si San Juan Eudes Noon, Paano Kaya Tayo Ngayon (PART 1 of 3 PARTS)



Grabe ang ginawa ni San Juan Eudes bilang tugon sa pandemya ng kanyang panahon (ang bubonic plague sa Eurasia), lalo na sa dalawang magkasunod na pagsulpot at paglaganap nito sa Pransya. Yun nga lang, para bang sinasabi nya sa kanyang ikinilos, “Sige lang! Sugod nang sugod! Bahala na!” Pero bakit nga ba parang walang pakialam si San Juan Eudes kung mahawa man sya at magkasakit din sa paglilingkod nya sa mga maysakit at pagdadala ng Banal na Komunyon sa kanila? Nakakatakot kayang magkasakit na wala pang nadidiskubreng lunas. Sakitin pa naman sya. Katunayan, matapos ang kanyang ordinasyon, nagkasakit na sya at naratay sa loob ng dalawang taon. Marahil, naging atat syang magmisyon sa kanyang paggaling dahil naudlot pagnanais nyang makabahagi sa Misyon ni Cristo sa kanyang pagkakasakit. Pero ang mas mahalagang pagnilayan: ano kaya ang puede nating matutunan mula sa kanyang halimbawa para makatugon din tayo nang maayos sa pandemyang dala ng bagong corona virus.

May nakita akong tatlong magkaka-ugnay na aral. Tingnan mo kaya at ikonsider mga sumusunod na reflections:

Mahalaga ang pagkatao ng bawat isa. Humingi ng permisyon si San Juan Eudes kay P. Pierre de Berulle, ang kanyang Superior, para lumabas at puntahan ang mga biktima ng bubonic plague dahil sa nakita nyang kawalan ng tulong espiritual sa mga maysakit sa kabila ng nakaambang panganib na mahawa rin sya. Sa madaling salita, pinahalagahan nya ang pagkatao ng mga lugmok na at mahihina. Lahat kasi ng mga maysakit noon ay sapilitang pinaalis sa mga bayan o lungsod para mapigilan ang pagkaubos ng mga tao. Dinala mga maysakit sa bukid para di mahawa ang mga okay pa ang kondisyon ng katawan. 

Sa ating panahon, gabay ito para maunawaan natin ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat tao lalo na ang mga naiitsa-pwera. Hindi dapat kalimutan ang kahalagahan ng bawat isa. Hindi tayo dapat maging kampante basta naayos na natin ang ating mga sarili, at naisiguro na ang ating sariling kaligtasan sa pagbili ng sapat na pagkain, alcohol at sabon. 

Lahat kung tutuusin, nasa panganib na mahawa. Pero higit na panganib ang hinaharap ng mga mahihirap dahil sa kondisyon ng kanilang lugar. Nadagdagan pa ang kanilang pasanin dahil ang solusyon para masugpo ang pagkalat ng COVID-19 ay pagkakait sa kanila na kumayod para may makain. Paano natin mapapahalagahan ang pagkatao hindi lamang ng mga maysakit kundi pati na rin yung mga mahina ang laban? 

May mga balita na tungkol sa paghina ng ating mga sistema sa pagkontrol ng kaguluhan at pagpapaibayo ng peace and order. Nangangamba ang ilan sa pagtaas ng krimen tulad ng pandurukot at pagnanakaw.  Pero paano tayo tutugon kapag nasadsad na ang mga kababayan natin at nagsimula nang maghanap na ng paraan pantawid gutom lang?  Paano natin maisasabuhay sa ating panahon ang ginawang pagpapahalaga ni San Juan Eudes sa kanyang kapwa noon?

Pagnilayan at magbahaginan po tayo!

(Susunod ang dalawa pang kaugnay na aral sa mga susunod na araw.)


-----------------
Paunawa:  Nang panahon ito, miyembro pa si San Juan Eudes ng Oratorians ng Paris na itinayo ni P. Pierre de Berulle, at hindi pa nya natatanggap ang inspirasyon na itayo ang Congregation of Jesus and Mary.

Wednesday, March 18, 2020

Panalangin kay San Juan Eudes Laban sa COVID-19



Ang sumusunod na panalangin ay halaw mula sa komposisyon ni Edwina S. Meily, miembro ng faculty sa La Salle Greenhills at bahagi ng kanilang outreach program. Si Weena, kanyang palayaw, ay kabahagi din ng Pamayanan ng Mabuting Pastol, at matalik na kaibigan ni San Juan Eudes. Ang larawan ni San Juan Eudes sa taas ay mula sa http://www.tiendaminutodedios.com.



Mahal naming San Juan Eudes,
ikaw na may dalisay na pagibig sa Mahal na Puso
ni Hesus at Maria,
ikaw na nagtatag ng mga relihiyosong pamilyang tagasunod sa daan ng nagkakaisang Puso,
samahan mo kami sa aming hirap,
takot at hinaharap na hamon ng buhay.
Iniligtas ka ng Diyos sa salot na sumalanta
sa Europa at Asya noong panahong ang lahat
ay nagkakandamatayan sa paligid mo.
Iniligtas ka sapagkat ikaw ay may pusong masunurin, mapagmahal at mapaglingkod
upang iyo ring mapaglingkuran ang mga mahihina
at maysakit, at dalhin sa kanila
ang tanda ng kaganapan ng iyong Pag-ibig -- ang Banal na Eukaristiya --
samantalang isinantabi na sila ng kanilang pamayanan at lipunan
kasabay ng pagsuko sa kamatayan.
Hinihiling namin ngayon,
sa Dakilang Kadalisayan ng Puso ni Hesus at Maria
na kami sampu ng aming pamilya, kapitbahay, pamayanan, bansa, at ng buong mundo,
ay iligtas sa pandemyang COVID-19 na ito.
Nagtitiwala kaming lubos sa kapangyarihan ng Diyos
na maawain, mahabagin at
walang sawang kumakalinga sa amin.
Amen.

San Juan Eudes,
Ipalanalangin mo kami!

San Juan Eudes, Alagad Para sa mga Sinalanta ng Pandemya


Si San Juan Eudes (1601-1680), founder ng Eudist Fathers o ng Congregation of Jesus and Mary, at nagsimula ng debosyong liturhikal sa Kabanalbanalang Puso ni Jesus at Maria, ay may natatanging karanasan sa epidemya/pandemya na kanyang panahon. Isang salot, ang bubonic plague o black death, ang paulit-ulit na sumalanta sa Europa at Asya sa loob ng maraming siglo. Maraming namatay ayon mga eksperto - di kukulangin sa 200 milyong katao o 60% ng populasyon noon ng Europa.

Iilang taon pa lang syang naordinahan bilang pari nang dalawang magkasunod na salot ang lumaganap sa magka-ibang lugar sa France (1627-1631). Kahit na masakitin, pinilit nyang maglingkod sa mga napektuhan at maysakit na noon ay inilalabas sa kaparangan sa labas ng mga lungsod at bayan para hindi makahawa. Babad sa awa at pagmamahal ng Diyos, kumilos si San Juan Eudes upang tulungan ang mga ito, inihatid ang mga sakramento ng Eukaristiya at Pagpapahid ng Langis. Isang pagkilos na punung-puno ng habag at malasakit ang namalas, sa kanyang pagiging matapat at pagkabukas-palad na pakikiramay. Ginawa nya ito sa kabila ng panganib sa sariling kalusugan. Tumira sya sa isang bariles ng alak at nakiisa sa mga maysakit hanggang sa matapos ang salot. At mahaba pang panahong nabuhay si San Juan Eudes, buhay na ganap at puno ng kahulugan.

Humingi tayo ng tulong kay San Juan Eudes, upang kaawaan tayo ng Diyos at iligtas sa pananalasa ng COVID-19 at kasalanan!

San Juan Eudes,
alagad ng Diyos para sa mga sinasalanta ng pandemya,
- ilapit mo kami sa Diyos ng Buhay nang maligtas kami sa bantang panganib ng COVID-19!

San Juan Eudes,
Ama, Pantas at Apostol ng debosyong liturhikal sa Kabanalbanalang Puso ni Jesus at Maria,
- dalhin mo kami sa tunay naming tanggulan at kaligtasan!

San Juan Eudes,
- ipanalanging mo kami!